Wednesday, November 25, 2026

Romualdez, hiniling sa Sandiganbayan na bawiin ang 90-araw na preventive suspension

Umapela sa Sandiganbayan Third Division si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez na bawiin ang kanyang 90 araw na preventive suspension kaugnay ng kinakaharap na kasong plunder.

Sa 20 pahinang motion for reconsideration na may petsang Nobyembre 19, iginiit ng depensa na nagkamali ang korte sa inilabas nitong resolusyon noong Nobyembre 10.

Hindi umano malinaw kung sino kina Romualdez at dating Congressman Elizaldy Co ang pangunahing responsable sa umano’y pagkamal ng ₱7.44 bilyong kickback mula sa mga proyekto ng gobyerno.

Hindi rin umano natukoy ang eksaktong halaga, petsa at mga transaksyon kung saan personal na nakatanggap ng pera si Romualdez.

Kinuwestiyon din ng depensa ang pagiging patas ng imbestigasyon ng Ombudsman matapos tawaging “mastermind” at “master plunderer” ang kongresista.

Giit pa ng kaniyang kampo, hindi na kailangan ang suspensyon dahil nakadetine na si Romualdez sa New Quezon City Jail at hindi na nito magagampanan ang kaniyang tungkulin o magagamit ang posisyon para impluwensiyahan ang mga testigo o pakialaman ang mga ebidensya.

Facebook Comments