Thursday, September 3, 2026

Panukalang nagbabawal sa mga kamag-anak ng mga opisyal ng gobyerno na lumahok sa government contracts, aprubado na sa Senado

Lusot na sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill 1962 na iniakda ni Senator Chiz Escudero na nagbabawal sa mga kamag-anak ng mga opisyal ng gobyerno na pumasok sa mga kontrata ng pamahalaan sa botong 15-0-0.

Sa ilalim ng panukala, bawal sa mga kamag-anak ng mga saklaw na public official at personnel ang makipagkontrata o makilahok sa mga negosyong kaugnay ng government contracts hanggang ikaapat na civil degree ng consanguinity o affinity na layong maiwasan ang conflict of interest.

Kasama rito ang pagpasok bilang subcontractor, consortium, joint venture, o anumang katulad na business arrangement para sa pagpapatupad ng kontrata ng pamahalaan.

Saklaw rin ng panukala ang mga kontrata para sa supplies, materials, makinarya, equipment at serbisyo, gayundin ang infrastructure projects, joint ventures, public-private partnership projects at iba pang katulad na kasunduan ng gobyerno at pribadong sektor.

Para sa mga lalabag, nakasaad sa panukala ang parusang pagkabilanggo ng isa hanggang tatlong taon, multa na hindi bababa sa P1,000 at permanenteng pagbabawal na makalahok sa anumang government procurement activity.

Samantala, ang mga public official o personnel na lalabag sa panukalang batas ay maaaring mahatulan ng isa hanggang tatlong taong pagkabilanggo, multa na hindi bababa sa isandaang libong piso, at permanenteng pagkadiskwalipika sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.

Facebook Comments