Sunday, May 31, 2026

DALAWANG HINIHINALANG TULAK NG DROGA, TIMBOG SA MAGKAHIWALAY NA BUY-BUST OPERATION SA MANGATAREM

Arestado ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos masakote sa magkahiwalay na buy-bust operation na isinagawa ng mga awtoridad sa Mangatarem, Pangasinan noong gabi ng Huwebes, Mayo 7.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na edad 23 at 29, kapwa residente ng Urbiztondo, Pangasinan at kapwa nagtatrabaho bilang construction worker. Itinuturing umano silang mga street-level individual.

Nasamsam sa operasyon ang tinatayang 1.1 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱2,040 na nakasilid sa ilang heat-sealed transparent plastic sachet.

Narekober din ng mga awtoridad ang dalawang tunay na ₱500 bill at isang tunay na ₱100 bill na ginamit bilang boodle money, isang cellphone, at isang tricycle.

Ayon sa pulisya, isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakuhang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa harap ng mga mandatory witness at ng mga suspek alinsunod sa itinakdang legal na proseso.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanila.

Patuloy naman ang paalala ng pulisya sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa kampanya kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon laban sa mga sangkot sa ilegal na aktibidad sa kanilang komunidad.

Facebook Comments