Inihain sa Sangguniang Panlalawigan ng La Union ang isang panukalang ordinansa na naglalayong magtatag ng barangay library sa bawat barangay sa lalawigan bilang bahagi ng pagpapalawak ng access sa pagbasa at digital learning resources.
Layunin ng panukala na obligahin ang bawat barangay na magtatag, magpatakbo, at magpanatili ng functional library na maaaring gamitin ng publiko.
Sa ilalim ng panukala, kinakailangang magkaroon ng mga pasilidad na may internet access at ICT equipment gaya ng computers at tablets upang suportahan ang digital learning sa mga komunidad, kabilang ang mga nasa liblib na lugar.
Inaatasan din ang mga barangay na maglaan ng paunang pondo na nagkakahalaga ng ₱100,000 mula sa taunang badyet para sa pagtatayo at operasyon ng library, kabilang ang allowance para sa itinalagang Barangay Reading Center in-Charge.
Bubuo rin ng Barangay Library Board na mangangasiwa sa polisiya at operasyon ng mga pasilidad. Kabilang dito ang mga opisyal ng barangay, kinatawan ng kabataan, at mga organisasyong pangkomunidad.
Ayon sa panukala, layunin nitong mapalawak ang literacy programs at access sa impormasyon habang isinusulong ang paggamit ng teknolohiya sa antas-barangay.
Kasalukuyang sumasailalim sa committee deliberation ang nasabing panukalang ordinansa para sa posibleng pagrebisa at pag-apruba. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







