Opisyal nang inilabas ng lokal na pamahalaan ng Rosales ang labing-isang koponan na uusad sa Live Showdown ng LGBTQIA+ Cheerdance Competition 2026.
Mula sa natapos na online screening nitong May 22, nakuha ng mga sumusunod na grupo ang slot para irepresenta ang kanilang mga bayan: Sta. Maria Pride, Beat U Pep Squad ng Urdaneta City, Pandeon Pep Squad ng Mapandan, Stallions Pep Squad ng Dagupan City, Villasis Gay Association Cheerdancers, Rosales Blue Griffin Pep Squad, Asingan Cheering Squad, United Gay Association of Tayug Cheerdancers, Binalonan Bagong Bahaghari CheerDancers, Lingayen Pep Squad, at ang GAM Pep Squad mula naman sa bayan ng Mangaldan.
Alinsunod sa panuntunan, bawat koponan ay may hindi bababa sa dalawampung miyembro na kabilang sa LGBTQIA+ community.
Ang naturang kompetisyon ay isa sa mga pinakatampok na aktibidad sa pagdiriwang na itatapat sa taunang Kapistahan ng Bayan ng Rosales.
Bukod sa saya at pambihirang stunts sa fiesta, layunin din nitong isulong ang pagkakapantay-pantay at pagkilala sa galing ng sektor ng LGBTQIA+ sa pamamagitan ng palakasan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








