
Naniniwala ang Malacañang na hindi maapektuhan ng umiinit na tensyong pulitikal ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte at mga usapin kaugnay sa International Criminal Court (ICC).
Ito ang tugon ng palasyo matapos ilabas ng ilang international political risk firms ang pagsusuri na maaaring maging governance at institutional risk ang lumalalang sigalot sa politika.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, normal sa demokrasya ang pagkakaiba ng pananaw, pero may ilan aniyang ginagamit ang isyu para siraan ang gobyerno at isulong ang pansariling interes.
Binigyang-diin din ng palasyo na tuloy ang trabaho ng economic team at nananatiling nakatutok ang administrasyon sa pagpapatupad ng mga programa at paghabol sa mga sangkot sa korapsyon.
Para sa Malacañang, mahalagang makita ng mga investor na hindi kinukunsinti ng pamahalaan ang anomalya at katiwalian.
Sa kabila ng ingay sa pulitika, tiniyak ng palasyo na nananatiling matatag ang pundasyon ng ekonomiya ng bansa.










