Dalawang Most Wanted sa San Mariano, Isabela, Nalambat Na!

*San Mariano, Isabela- *Hawak na ng kapulisan ang dalawang most wanted sa bayan ng San Mariano matapos maaresto ang mga ito ganap na alas otso kaninang umaga sa Brgy. Cataguing, San Mariano, Isabela.

Kinilala ang mga nadakip na sina Dexter Calixto, tatlumpu’t limang taong gulang, may asawa, isang magsasaka at Carlina Pagallaman, animnapu’t limang taong gulang, may asawa, at pawang mga residente ng naturang lugar.

Ayon sa impormasyong natanggap ng RMN Cauayan, nadakip ang dalawang suspek sa bisa ng mandamiento de aresto na ipinalabas ni Hukom Rodolfo Dizon ng Regional Trial Court Branch 18 ng City of Ilagan dahil sa kanilang kasong bigong pagpatay na may inirekomendang piyansa na nagkakahalaga ng pitumpu’t dalawang libong piso para sa kanilang pansamantalang kalayaan.


Dinala na sa himpilan ng PNP San Mariano sina Calixto at Pagallaman para sa kanilang kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments