Dalawang wanted persons ang naaresto ng Dagupan City Police Office (DCPO) sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa noong Hunyo 1 at 2, 2026.
Ayon sa DCPO, unang naaresto ang isang 67-anyos na lalaki sa Barangay Caranglaan, Dagupan City noong Hunyo 1 dahil sa kasong Acts of Lasciviousness.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng warrant of arrest ng mga tauhan ng Police Station 2 katuwang ang City Intelligence Unit (CIU) at City Investigation and Detective Management Unit (CIDMU).
Nakapaloob sa warrant ang inirekomendang piyansang nagkakahalaga ng ₱36,000.
Samantala, makalipas ang isang araw, isang 42-anyos na lalaki mula sa Barangay Poblacion West, Calasiao ang naaresto sa Barangay Bonuan Gueset, Dagupan City dahil sa kinakaharap nitong kasong may kaugnay sa paglabag sa Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Ang warrant of arrest laban sa kanya ay inilabas noong Mayo 20, 2026, at may inirekomendang piyansang ₱72,000.
Pinangunahan ng Police Station 1, kasama rin ang CIU at CIDMU, ang naturang operasyon.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Dagupan City Police Office ang dalawang naarestong indibidwal para sa kaukulang dokumentasyon at wastong legal na proseso. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣





