
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na natanggap na nila ang referral mula sa Presidential Communications Office (PCO) kaugnay ng mga social media post na nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa petisyon ni Sen. Bato dela Rosa sa Korte Suprema.
Ito ay matapos magpahayag ang apat na vloggers na may mga Facebook page na KaChizmaze, Booc TVs, Cris Lademora, at Lenny Quirz / Linie Quirong na naglabas umano ng temporary restraining order ang Kataas-taasang Hukuman upang hindi ipatupad ang warrant of arrest laban sa Senador.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, natanggap na nila kahapon ang referral mula sa PCO.
Sa ngayon, ire-refer naman ito ng Justice Department sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa imbestigasyon at karampatang aksyon.
Kabilang aniya rito ang posibleng case build-up para sa pagsasampa ng mga kasong kriminal.
Una nang nagbabala si PCO Secretary Dave Gomez na isang seryosong offense ang pagpapakalat ng fake news, gaya ng hindi totoong Supreme Court ruling sa social media, na ginagawa umano para sa views, engagement, at pagkakakitaan.










