Nagsagawa ng interfacing activity ang Department of the Interior and Local Government o DILG Region 1 kasama ang mga partner agency at stakeholder bilang paghahanda sa nakatakdang Memorandum of Agreement signing para sa Local Innovation and Learning Hubs o LILHUBS.
Idinaos ang pagpupulong noong Oktubre 5 sa DILG Regional Office I Annex Building Conference Room.
Pangunahing tinalakay sa aktibidad ang magiging papel, responsibilidad at kontribusyon ng mga kalahok na ahensya at stakeholder sa pagpapatupad ng LILHUBS.
Bahagi rin ng paghahanda ang pag-align ng mga partner sa magiging sistema ng koordinasyon at knowledge-sharing sa ilalim ng programa bago ang pormal na paglagda sa kasunduan.
Ang LILHUBS ay nakatuon sa pagbabahagi ng kaalaman, karanasan at mga pamamaraan na maaaring magamit ng mga local government unit sa pagharap sa iba’t ibang hamon sa kanilang mga nasasakupan.
Sa pamamagitan nito, maaaring maibahagi sa ibang LGU ang mga lokal na programa o sistema na napatunayang gumagana at maaaring iangkop depende sa pangangailangan at sitwasyon ng isang komunidad.
Gayunman, ang isinagawang aktibidad ay bahagi pa lamang ng paghahanda para sa partnership.
Susunod na hakbang ang Memorandum of Agreement signing na magtatakda sa mga napagkasunduang tungkulin at responsibilidad ng DILG Region 1 at ng mga katuwang nitong institusyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










