Ginamit ni Liga ng mga Barangay Board Member Raul R. Sabangan ang bulwagan ng Sangguniang Panlalawigan bilang forum upang ilahad ang kanyang mga paglilinaw at hinaing bilang pangulo ng Liga ng mga Barangay na kumakatawan sa 1,333 barangay sa buong Pangasinan.
Sa kanyang privilege speech sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan nitong Oktubre 5, 2026, nilinaw ni Sabangan ang usapin kaugnay sa ₱200,000 pondong ipinagkaloob umano ng national government para sa bawat barangay sa ilalim ng programang “Bawat Barangay Makikinabang.”
Ayon kay Sabangan, kapag natanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ang naturang pondo, kinakailangan umano itong ibaba sa mga municipal government, na siyang magbibigay nito sa kani-kanilang mga barangay.
Binigyang-diin din ng board member na hindi niya personal na hinawakan ang naturang pondo at sinabi niyang ito ay nasa kustodiya ng Provincial Treasury Office.
Ayon pa kay Sabangan, nakatakda sanang talakayin ang naturang usapin sa monthly meeting ng Liga noong Oktubre 2.
Gayunman, sinabi niyang may mga Liga president umanong tinawagan ng mga tauhan ng Kapitolyo at sinabihang huwag nang dumalo sa naturang pulong.
Bukod sa usapin ng ₱200,000 pondo para sa bawat barangay, inilatag din ni Sabangan ang kanyang sentimyento kaugnay sa umano’y pagkawala ng pondong dating nakalaan sa kanyang tanggapan.
Kabilang dito ang pondong ginagamit umano para sa financial assistance sa mga residenteng nangangailangan ng tulong.
Ayon kay Sabangan, wala na umanong pondong magagamit ang kanyang opisina para sa ganitong uri ng ayuda dahil tinanggal na umano ang dating nakalaang pondo.
Dahil dito, humingi siya ng paumanhin sa mga lumalapit umano sa kanyang tanggapan na hindi agad nabibigyan ng tulong.
Binanggit din ng board member ang umano’y pagbawi sa government service vehicle na kanyang ginagamit.
Matapos ang privilege speech ni Sabangan, nagmosyon naman si 4th District Board Member Jerry Rosario na i-“strike out” sa opisyal na rekord ng Sangguniang Panlalawigan ang mga pahayag na maaari umanong makasira sa imahe ng Kapitolyo.
Samantala, hinihintay pa ang panig ng Pamahalaang Panlalawigan kaugnay sa mga pahayag ni Sabangan, partikular sa proseso at kustodiya ng ₱200,000 pondo para sa bawat barangay, sa alegasyong may mga Liga president na sinabihang huwag dumalo sa pulong, gayundin sa umano’y pagtanggal ng pondo sa kanyang tanggapan at pagbawi sa kanyang service vehicle. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










