
Nagbabala ang Department of National Defense (DND) sa publiko laban sa kumakalat na fabricated letter na may pirma ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. at nakaaddress sa nagngangalang Peter Enzminger.
Ayon sa DND, ang nasabing dokumento at ang mga nilalaman nito ay walang katotohanan at peke.
Dahil dito ay idinulog na ng kagawaran ang nasabing usapin sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa nararapat na imbestigasyon.
Nakasaad kasi sa naturang liham na tinitiyak umano ng Kalihim ang pagsusulong ng interes ng Amerika sa West Philippine Sea at sa iba pang usaping pampulitika sa bansa.
Kabilang ang umano’y sadyang pagpapakita sa publiko ng marahas na taktika ng China sa Ayungin Shoal at ang pag-una umano ni Teodoro sa America sa national security kaysa sa domestic issue tulad ng nagaganap na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Tinawag naman ng DND na panibagong serye ng foreign interference at malign influence ang nasabing isyu na may intensyon na sirain ang lehitimo at naaayon sa batas na hakbang ng pamahalaan para sa soberanya at integridad ng teritoryo ng bansa.










