Naninindigan ang Department of Energy (DOE) sa pagsuporta nito sa desisyon at hakbang ng Pangulong Duterte sa pagdepensa sa exclusive licensing authority ng Pilipinas sa langis at iba pang likas na yaman sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay alinsunod na rin sa Constitution at sa petroleum laws na nagsasaad na ang Philippine government lamang, sa pamamagitan ng DOE, ang maaaring maglabas ng lisensya sa pagsasagawa ng oil drill sa teritoryo ng bansa.
Kabilang dito ang mga isla, internal waters, territorial sea, Exclusive Economic Zone (EEZ) at ang continental shelf.
Nakasaad din sa nasabing batas ang mandato ng DOE na gumawa ng kaukulang hakbang para maprotektahan ang licensees at ipreserba ang resources ng Pilipinas sakali mang mayroong dayuhang bansa ang gumawa ng petroleum activities sa loob ng Philippine petroleum jurisdiction.
Kinikilala rin ng DOE ang sole prerogative ng pangulo sa ano mang security option at sa nagpapatuloy na negosasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa China hinggil sa “pagmimina ng langis” sa WPS.
Naninindigan din ang DOE sa pagdevelop sa uncontested Philippine EEZ at sa continental shelf partikular ang petroleum operations ng licensees ng Pilipinas at ang paggawad ng bagong petroleum areas.