Plano ng Department of Justice (DOJ) na hingin ang tulong ng mga bangko dahil sa posibilidad na nagagamit ang mga cashless transactions sa vote-buying.
Ayon kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, mas madaling mahuli ang mga cashless transactions kung ginagamit ba talaga ito sa pagbili ng boto dahil mayroon itong sinusundan na paper trail.
Aniya, ang mga kopya ng transaksyon kasama ng iba pang dukomento ay magiging isang matibay na ebidensya laban sa kandidato.
“Palagay ko ay kung makikita na maliwanag na may pattern iyang ganiyang mga bank transactions ay magiging isang matibay na ebidensiya iyan ng vote-buying, Usec. Kasi may record iyan eh ha, makikita iyong pinanggagalingan, makikita kung saan patungo so may mai-establish na pattern iyan. So hindi siya kumpleto by itself ‘no pero put together with other pieces of evidence, you can make out a case,” ani Guevarra
Nauna nang sinabi ni Comissions on Elections (COMELEC) Commissioner Atty. George Garcia na may natanggap silang impormasyon patungkol sa cashless vote-buying na talamak sa ilang mga lugar sa bansa.