DTI ISABELA, NAGBABALA SA PUBLIKO UKOL SA TALAMAK NA ONLINE SCAMMING

Ilang-araw bago ang mismong araw ng kapaskuhan, ay marami na sa mga Pilipino ang mas ninanais na mag-order na lamang sa mga online platforms ng mga pangregalo kaysa magtungo sa mga establisyimento.

Ayon sa mga konsyumer, mas pinadali, pinabilis, at walang hussle sa pamimili online dahil ilang pindot lamang ay maari ka ng makabili at hindi na kinakailangan pang mag siksikan sa mga malls para lamang makapili ng ireregalo.

Kaugnay nito, sa naging panayam naman ng 98.5 iFM Cauayan kay DTI Isabela Consumer Protection Division (CPD) Chief Elmer Agorto, sinabi nito na dahil sa marami na ang namimili online, ay talamak na rin ang mga nang-sscam.

Kung kaya’y nagbabala ito sa mga sellers na bagaman patok na ang online shopping ay kinakailangan pa rin magkaroon ng business permit, BIR at physical address upang matiyak ng mga mamimiling lehitimo ang mga katransaksiyon online.

Pinapayuhan rin ang publiko na maging masuri sa pag order online, at kilatisin munang maigi ang stars o reviews ng nasabing produkto bago ito bilhin.

Mas mabuti rin aniya na mamili lamang sa mga shops na kung saan mayroong verified na nakasulat sa tabi ng pangalan ng business nito upang hindi mabiktima ng mga mapang-abuso.

Kung sakali rin na mayroong defect ang item na natanggap ay mabuting ibalik ito sa seller upang makatanggap ng refund.

Bukas naman aniya ang kanilang ahensya sa mga magrereklamo ukol sa mga online scammers.

Facebook Comments