TSUPER SA CAUAYAN NA NAMBASTOS NG TRANSGENDER, INIREKLAMO

Isang tricycle driver mula sa lungsod ng Cauayan ang inireklamo ng isang 17 taong gulang na transgender matapos umano itong yayain sa mahalay na gawain.

Emosyonal ang isang menor de edad na kinilala sa alyas na Jane, estudyante at mula sa Reina Mercedes matapos umano itong makaranas ng harassment mula sa isang 56 na taong gulang na si Doliente, pasado alas dos ng hapon, nitong ika-20 ng Disyembre taong kasalukuyan.

Sa salaysay ng biktima, nangyari umano ang insidente matapos na sumakay ito sa pampasadang tricycle ng suspek.

Habang nakasakay ay ilang ulit na niyaya ni Doliente ang biktima.

Nang hindi na matiis ay nagdesisyon umano itong bumaba at magtungo sa mga otoridad upang magreklamo.

Agad namang ipinatawag ang inirereklamong tsuper at nang mapatunayan ang mga alegasyon dito ay pinatawan ito kaagad ng kaukulang multa na nagkakahalaga ng P1,500.

Sasampahan pa umano sana ng kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-violence Against Women and Their Children ang akusado, ngunit nagdesisyon ang biktima na makipag areglo na lamang.

Facebook Comments