ENJOINING RESPONSIBLE REPORTING: RESOLUSYON PARA SA MEDIA PRACTITIONERS, ISINUSULONG NG SP DAGUPAN

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang isang resolusyon na naglalayong hikayatin ang lahat ng media practitioners na maging mas maingat, sensitibo, at responsable sa pag-uulat ng mga insidenteng may kinalaman sa mental health, kabilang ang suicide at sexual violence.

Sa ilalim ng Draft Resolution No. R-091, Series of 2026, binibigyang-diin ang pangangailangang maiwasan ang tinatawag na “copycat” o “contagion effect,” kung saan ang detalyado at sensationalized na pagbabalita ay maaaring magdulot ng panggagaya, lalo na sa mga kabataan.

Ayon sa resolusyon, kinikilala ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang kahalagahan ng mental health bilang bahagi ng public welfare, alinsunod sa Republic Act 11036 o ang Mental Health Act. Binanggit din dito ang mga pag-aaral ng World Health Organization na nagsasabing ang hindi maingat na pag-uulat ay maaaring magpalala ng trauma at magdulot ng maling impluwensya sa publiko.

Kabilang sa mga panuntunang hinihikayat sa media ang pag-iwas sa sensationalism at graphic details, hindi pagbubunyag ng pagkakakilanlan ng mga biktima lalo na kung menor de edad, at paggamit ng wika na hindi nakaka-stigmatize. Inirerekomenda rin ang paglalagay ng impormasyon tungkol sa mental health hotlines at counseling services sa mga ulat.

Dagdag pa rito, hinihikayat ang pagsunod sa umiiral na ethical standards mula sa mga organisasyon tulad ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at Philippine Press Institute (PPI).

Iginiit ng resolusyon na ang responsableng pamamahayag ay hindi pagsikil sa press freedom, kundi isang hakbang upang mapalakas ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng tama, makatao, at kapaki-pakinabang na impormasyon sa publiko.

Kapag naaprubahan, ipapadala ang kopya ng resolusyon sa iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Health, Department of Education, Philippine Information Agency, at mga media organizations sa Pangasinan para sa kanilang gabay at kaukulang aksyon.

Samantala, nakatakda ring suportahan ng pamahalaang lungsod ang mga kampanya para sa responsible reporting at mental health awareness, partikular sa hanay ng kabataan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments