Agad ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng San Quintin, Pangasinan ang pansamantalang pagsasara sa publiko ng dinarayong Dipalo Eco Park matapos ang insidente ng pagkalunod ng isang menor de edad na nalunod habang nasa outing kasama ang pamilya noong tanghali ng Linggo, Abril 12.
Batay sa mga ulat at kumalat na video online, agad na sinubukang i-revive ang bata sa pinangyarihan bago ito isinugod sa pagamutan, subalit idineklara ring patay.
Ayon sa Park Administrator at bise alkalde ng bayan na si John Valiente, personal na bumisita sa lugar ang ama ng bata at ipinakitang hanggang leeg lamang ang lalim ng tubig sa naturang bahagi ng ilog.
Ibinahagi rin umano ng ama na may kondisyon ang bata na nagdudulot ng pangingitim ng labi at hirap sa paghinga kapag umiiyak, na posibleng nakaambag sa insidente. Hiniling din ng pamilya na huwag nang ilabas ang kabuuang CCTV footage.
Kaugnay nito, nagbitiw sa puwesto si Valiente bilang Administrator/Manager ng Dipalo Eco Park, epektibo sa Mayo 31, 2026, na inilarawan niyang mahirap ngunit kinakailangan, kasabay ng pasasalamat sa pagkakataong makapagsilbi.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na bantayang mabuti ang mga bata sa mga pampublikong paliguan upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








