
Ipinag-UTOS ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Manila Electric Company (Meralco) na ibalik sa mga consumer ang humigit-kumulang P2.64 bilyon sa pamamagitan ng refund na ipatutupad sa loob ng tinatayang anim na buwan.
Katumbas ito ng average refund na P0.1020 kada kilowatt-hour, na mas mabilis kaysa sa orihinal na 12-buwang refund period na iminungkahi ng Meralco.
Ayon sa ERC, lumabas sa kanilang pagsusuri na mas mataas ang aktuwal na nakolektang distribution charges ng Meralco kumpara sa pinahintulutang singil mula Enero hanggang Hunyo 2026.
Dahil dito, inatasan ang kumpanya na isauli ang sobrang nakolekta upang matiyak na patas ang sinisingil sa mga consumer.
Pinakamalaking refund ang matatanggap ng Residential at General Service A customers, habang ang refund ay makikita bilang hiwalay na item sa buwanang bill na may label na “AWAT (Refund)/Collect.”
Gayunman, nilinaw ng ERC na pansamantala pa ang refund dahil sasailalim pa ito sa pinal na pagsusuri at pagdinig ngayong Oktubre.
Patuloy ding imo-monitor ng komisyon ang pagpapatupad nito hanggang sa maibalik nang buo ang halaga sa mga consumer.










