
Inilaglag umano ni dating Speaker Martin Romualdez ang kaniyang sarili nang ihayag nito na hindi siya ang mastermind sa maanomalyang flood control projects.
Ito ang paniniwala ni Senator Rodante Marcoleta matapos na humarap sa publiko kamakalawa si Romualdez at linisin ang sarili sa nasabing isyu.
Giit ni Marcoleta, nang sabihin ni Romualdez na hindi siya ang utak ng katiwalian, nangangahulugan lamang na alam niya kung sino ang totoong mastermind.
Sinabi pa ng senador na ang negatibong implikasyon pa ng pahayag ni Romualdez ay hindi niya iniaalis ang sarili sa anomalya kundi sinasabi lang niyang hindi siya ang mastermind o utak nito.
Napuna pa ni Marcoleta na tila nakalimutan ni Romualdez na idiniin niya si dating Senate President Chiz Escudero na may kinalaman sa flood control funds subalit kung matatandaan, 2025 lamang aniya naging Senate president si Escudero gayong ang pinag-uusapang anomalya ay nagsimula pa noong 2023 kung saan si Romualdez pa ang speaker ng Kamara.










