
Magtatayo ang pamahalaan ng permanenteng pumping station sa G. Araneta Avenue sa Quezon City upang mabawasan ang matinding pagbaha sa lugar.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos bisitahin ang nagpapatuloy na drainage improvement project sa ilalim ng “Oplan Kontra Baha.”
Ayon sa pangulo, pansamantala pa lamang ang kasalukuyang pumping station na ginagamit sa lugar ngunit target itong mapalitan ng permanenteng pasilidad bago matapos ang taon o sa susunod na taon.
Aminado ang pangulo na matagal nang problema ang pagbaha sa G. Araneta Avenue dahil kahit mahinang pag-ulan ay agad umanong tumataas ang tubig sa lugar.
Tiniyak naman ng pangulo na tuloy-tuloy ang flood control projects ng pamahalaan sa Metro Manila at iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang desiltation o pagpapalalim ng mga ilog at paglalagay ng malalaking drainage pipes para mapabilis ang daloy ng tubig.










