Kinalampag ni Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas ang pamahalaan na mabigyan pa rin ng ayuda ang mga pamilya at pagkalooban ng paid pandemic leave ang mga manggagawang apektado ng COVID-19 surge.
Paalala ng kongresista, gumagastos sa gamot, pagkain at testing ang mga taong tinamaan ng Omicron variant ng COVID-19.
Higit anyang kawawa ang mga no-work, no pay na kailangang mag-quarantine.
Kaya naman giit ni Brosas sa pamahalaan, magbigay ng sapat na ayuda at aprubahan ang paid pandemic leave.
Tinukoy nito na nasa P39 billion ang pondo sa ilalim ng Protective Services Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maaaring magamit para mamahagi ng cash assistance sa mga pamilyang apektado ng quarantine.
Para naman sa paid pandemic leave, maaari naman aniyang magamit ang bahagi ng koleksyon ng Social Security System (SSS).
Kasabay rito ay umapela ang kongresista sa ehekutibo na i-certify as urgent ang House Bill 7909 o paid pandemic leave upang matiyak na mayroong standby funds para sa mga manggagawa na apektado ng pandemiya.