Tinuruan ang Grade 6 pupils ng Unzad Elementary School sa Villasis, Pangasinan ng kaalaman sa mga batas at mga paraan ng pagprotekta sa sarili ng Villasis Municipal Police Station (MPS).
Sa naturang pagtitipon, tinalakay sa mga mag-aaral ang mga mahahalagang paalala tulad ng curfew hours at ang kahalagahan nito sa seguridad ng mga menor de edad, pati na ang Republic Act No. 10627 o Anti-Bullying Act of 2013, Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act, at Republic Act No. 8353 o Anti-Rape Law of 1997.
Isinama rin sa diskusyon ang kampanya laban sa ilegal na droga bilang bahagi ng adbokasiya para sa ligtas na komunidad.
Ayon sa Villasis MPS, target nitong ituro ang pagiging alerto at kakayahang umiwas sa anumang uri ng pang-aabuso habang sila ay bata pa.
Binigyang-diin sa programa ang paghubog sa mga mag-aaral na maging STRONG o Smart, Talented, Responsible, Obedient, Nice, at God-fearing bilang gabay sa kanilang tamang pagpapasya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








