Dalawang hinihinalang high-value drug suspects ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Alaminos City, Pangasinan, madaling-araw ng Hunyo 10, 2026.
Ayon sa ulat ng pulisya, isinagawa ang anti-illegal drug operation ang mga operatiba ng Alaminos City Police Station.
Sa operasyon, nadakip ang dalawang suspek na itinuturing na High-Value Individuals (HVIs) sa ilegal na droga. Nakumpiska mula sa kanila ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na limang gramo, na nagsilbing buy-bust item.
Narekober din ang apat pang heat-sealed transparent plastic sachets na may kabuuang tinatayang timbang na 65 gramo ng hinihinalang shabu.
Ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang ilegal na droga ay tinatayang umaabot sa P 476,000, batay sa Standard Drug Price.
Bukod sa mga ilegal na droga, nasamsam din ng mga awtoridad ang buy-bust money, baril, mga magasin at bala, at iba pang kagamitang pinaniniwalaang may kaugnayan sa ilegal na aktibidad.
Matapos ang operasyon, dinala ang mga naarestong suspek at ang mga nakuhang ebidensya sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at iba pang kaugnay na batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









