ESTUDYANTE MULA CABA, LA UNION, NAKASUNGKIT NG FULL-RIDE SCHOLARSHIP SA HARVARD UNIVERSITY

Tupad na ang pangarap ni Reya Nikole Maryella M. Siojo, mula Caba, La Union na makapag-aral sa ibang bansa matapos siyang tanggapin sa Harvard University, isa sa mga pinakakilalang unibersidad sa buong mundo.

‎Kasabay ng kanyang pagpasok sa prestihiyosong unibersidad, nakatanggap din si Reya ng full financial aid package na sasagot sa kanyang matrikula, tirahan, gastusin sa pamumuhay at iba pang pangangailangan sa loob ng apat na taong pag-aaral.

‎Nagtapos si Reya bilang valedictorian ng Philippine Science High School – Cordillera Administrative Region Campus, patunay ng kanyang husay at dedikasyon sa larangan ng akademiko.

‎Hindi naging madali ang kanyang paglalakbay tungo sa tagumpay.

‎Pitong taong gulang lamang siya nang pumanaw ang kanyang ina, ngunit sa halip na sumuko, ginawa niyang inspirasyon ang mga pagsubok upang lalo pang magsikap sa pag-aaral.

‎Sariling sikap din niyang inihanda at inayos ang kanyang aplikasyon sa mga unibersidad sa Estados Unidos. Bukod sa Harvard, nakatanggap din siya ng admission offers mula sa iba pang kilalang paaralan sa loob at labas ng bansa.

‎Ipinagmamalaki naman ng kanyang paaralan at mga kababayan sa Caba ang pambihirang tagumpay ni Reya, na nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataang Pilipinong nangangarap ding makapasok sa mga nangungunang unibersidad sa mundo.

‎Ang pagpasok ni Reya sa Harvard ay hindi lamang personal na tagumpay, kundi karangalan din para sa kanyang pamilya, paaralan, bayan ng Caba at buong lalawigan ng La Union. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments