
Patuloy ang isinasagawang power restoration sa mga napinsalang pasilidad ng mga electric cooperative bunsod ng Bagyong Tino matapos maapektuhan ang mahigit isang milyong consumers.
Ayon sa National Electrification Administration (NEA), kabuuang 1,073,037 na ang apektadong consumer connections sa mga napinsalang electric cooperative.
Sa ngayon, sampung rehiyon na ang naapektuhan ang mga electric cooperative dahil sa pananalasa ng Bagyong Tino.
Ayon sa NEA, kabilang dito ang CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Western-Central-Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, CARAGA at Negros Island.
Nasa 57 electric cooperatives naman mula sa 35 lalawigan ang apektado ng Bagyong Tino.
Sa datos ng NEA Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD), may 15 electric cooperatives ang nagpatupad ng partial interruption.
Total power interruption naman ang ipinatupad ng walong electric cooperatives sa Central at Eastern Visayas kasama na ang BANELCO (Bantayan Island), BILECO (Biliran), CEBECO 2 and 3 (Cebu), CELCO (Camotes Island), ESAMELCO (Eastern Samar), LEYECO 2 at 3 (Leyte).









