
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na paiigtingin nito ang pagpapatupad ng batas laban sa iligal na paggamit ng mga paputok at lusis ngayong holiday season.
Ang muling pinaigting na kampanya na ito ng Pambansang Pulisya ay kasunod ng insidente sa isang fireworks display sa Misamis Occidental na nagresulta sa pagkakasugat ng hindi bababa sa 18 indibidwal.
Ayon sa mga ulat, sumabog patungo sa mga manonood ang mga paputok sa Tangub City habang isinasagawa ang grand opening ng Christmas Festival of Lights 2026.
Kasunod ng insidente, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang lokal na pulisya para matukoy ang sanhi nito at makilala ang mga maaaring managot sa naturang insidente.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., sa papalapit na holiday season, gusto anila na mabigyang-diin ang kahalagahan ng responsableng selebrasyon sa pamamagitan ng striktong regulasyon ng fireworks at pyrotechnic devices.
Dahil dito, inatasan niya ang mga kinauukulang police unit na paigtingin ang pagmamanman at pagpapatupad ng batas laban sa iligal na paggawa, pagbebenta, pamamahagi, at paggamit ng mga paputok at lusis ngayong holiday season.










