HIGIT 7,000 TRICYCLE DRIVER SA ILOCOS REGION, INAASAHANG MAKAKATANGGAP NG ₱5,000 AYUDA

Nakatakdang tumanggap ng tig-₱5,000 na tulong-pinansyal ang kabuuang 7,320 tricycle drivers sa Ilocos Region ngayong Huwebes, Abril 16, 2026 ayon sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Sa bilang na ito, 166 ang mula sa Burgos, Ilocos Norte at 1,177 sa Naguilian, La Union. Sa Pangasinan naman, kabilang ang 862 sa Manaoag, 1,396 sa Mangaldan, 968 sa San Fabian, 499 sa San Jacinto, 1,210 sa Binalonan, at 1,042 sa Asingan.

Ayon kay DSWD Regional Information Officer Kristine Sheila Amoroso, bahagi ang mga benepisyaryo ng target na 367,000 tricycle drivers sa labas ng Metro Manila na tutulungan ng ahensya.

Layunin ng ayuda na maibsan ang bigat na dulot ng biglaang pagtaas ng presyo ng langis, lalo na sa hanay ng mga driver ng pampasaherong sasakyan.

Matatandaang noong Abril 8, unang nakatanggap ng cash aid ang 12,625 tricycle drivers mula sa apat na lungsod sa Pangasinan.

Magpapatuloy ang pamamahagi ng tulong sa mga driver hanggang Abril 30 ngayong taon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments