Wednesday, May 20, 2026

Hiling na TRO ng kampo ni Sen. Bato Dela Rosa para huwag siyang arestuhin sa bisa ng ICC warrant, ibinasura ng Korte Suprema

Ibinasura ng Korte Suprema ang hiling ng kampo ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa para maglabas ng temporary restraining order laban sa pagpapatupad ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).

Sa botong 9 na pabor, 5 tutol at isang abstain, ibinasura ng Supreme Court En Banc ang petisyon para sa TRO at status quo ante order na inihain ng kampo ng senador.

Hinihiling nila na huwag ipatupad ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Foreign Affairs (DFA), the Department of Justice (DOJ), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration (BI), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagpapatupad ng warrant mula sa ICC.

Paglilinaw naman ng Kataas-taasang Hukuman, ang petisyon para sa TRO pa lamang ang kanilang dinesisyunan at hindi pa kasama rito ang iba pang mosyon sa kaso.

Inihain noong nakaraang taon ang petisyon para kuwestiyunin ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas at pakikipagtulungan dito ng ating gobyerno.

Facebook Comments