
Tiniyak ng Department of Finance (DOF) na patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang modernisasyon sa sistema ng pagbubuwis sa bansa.
Ito ay matapos makipagpulong ng DOF sa mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para palakasin pa ang Tax Modernization Project.
Ayon sa DOF, sa ilalim nito ay magiging fully digital, integrated at data driven ang tax system sa bansa batay sa gagawing transformation program mula 2027 hanggang 2034.
Sa pamamagitan anila ng system integration at process automation, mas mapapalakas ang koleksiyon sa buwis at mapadali ang serbisyo sa taxpayers.
Kahapon naman nang maglabas ang BIR ng bagong guidelines para maging simple ang proseso ng pagsasara ng mga negosyo at kanselasyon sa tax registration bilang bahagi ng Ease of Paying Taxes Act.
Sinabi ni BIR Commissioner Charlito Mendoza na alinsunod ito sa layunin nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Finance Secretary Frederick Go na gawing investor at business friendly ang pagbabayad ng buwis.
Sa ilalim nito, ang mga negosyong huminto na sa operasyon ay maaari nang mag-apply para sa closure o kanselasyon ng kanilang registration manually o electronically at maaaring makuha ang clearance sa loob ng 3 working days.
Nakasaad din sa bagong guidelines na hindi na tatakbo ang penalties kapag nagsumite na ng kumpletong requirements at mga dokumento.
Hiniyakat naman ng ahensiya ang mga huminto na ang negosyo na gamitin ang pagkakataon para maiwasan ang mga dagdag na penalty at i-update na ang kanilang registration records.










