Nilinaw ng Gabriela Party-List na karagdagan sa kasalukyang daily minimum wage ang hirit nilang P750 across-the-board hike para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ibig sabihin, kung maaaprubahan ay magiging P1,320 ang arawang sahod sa National Capital Region.
Ayon kay Gabriela Party-List Rep. Arlene Brosas, napapanahon na para magkaroon ng dagdag-sweldo nang sa gayon ay makapamuhay nang disente ang mga manggagawa sa harap ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Samantala, kasabay ring isinusulong ng makabayan bloc ang panukalang national minimum wage.
Katwiran ni brosas, hindi na dapat ibinabatay sa magkakaibang pangangailangan ng bawat rehiyon ang halaga ng dagdag-sweldo dahil kung minsan ay mas matindi pa aniya ang tama ng inflation sa mga probinsya.
“Ngayon po, nakikita naman natin na talagang kapag tinamaan ka ng inflation, yung iba pa ngang region mas malala e. So, minsan, mas mataas pa ang pagkain sa kanila, di kaya pamasahe pero yung minimum wage nila maliit kumpara sa Metro Manila,” ani Brosas sa interview ng DZXL.
“So, meron tayong dalawang measure na pwedeng pagpilian para kahit papano, makatulong sa ating mga manggagawa.”
“Yung isa, sa national minimum wage, you can abolish the regional wage board para ma-increase tayong lahat. But here, sa ating panukala na P750 across-the-board, on top of the minimum wage sa region,” paliwanag ng mambabatas.
Ikinababahala naman ng grupo ang tila hindi pagiging bukas ng administrasyong Marcos sa usapin ng dagdag-sahod.
“Hindi ganon ka-receptive ano, ang administrasyong Marcos para magpataas ng sahod ng mga manggagawa natin. Samantalang tuloy-tuloy ang inflation. Ito po ang inaalala natin e kasi hirap talaga yung mga mamamayan natin.”
“Tapos their excuse is yung mga corporation magsasara, etcetera. Hindi po totoo yun. Nasa datos din natin na yung malalaki at medium corporation, they survive, may profit,” dagdag pa ni Brosas.