Wednesday, November 25, 2026

ILANG GASOLINAHAN SA DAGUPAN CITY, NAGPATUPAD NA NG OIL PRICE ROLLBACK KAHAPON; MGA MOTORISTA, INAASAHAN ANG TULOY-TULOY NA BAWAS-PRESYO

Nasiyahan ang ilang motorista sa muling rollback ng presyo ng petrolyo, lalo na sa gasolina matapos ang pagsisimula ng oil price rollback ng ilang gasolinahan sa Dagupan City noong Nobyembre 24, 2026.

Sa oil price adjustment ngayong linggo, ₱3 kada litro ang ibinaba sa gasolina, ₱2.60 sa diesel, at ₱1.60 sa kerosene.

Si Christopher, na maagang nagpakarga ng gasolina noong Martes, ay umaasang magtuloy-tuloy ang pagbaba ng presyo para hindi na gaanong mabigat sa bulsa ang pang-araw-araw na pagpapagasolina.

Samantala, ikinatuwa rin ni Jud ang rollback dahil mas marami na aniyang gasolina ang maikakarga sa kanyang motorsiklo.

Matatandaang nagkaroon din ng oil price rollback sa mga nakaraang linggo, kabilang ang malaking bawas-presyo noong Nobyembre 10, na umabot sa ₱16.80 kada litro sa gasolina, ₱4.10 sa diesel, at ₱3.70 sa kerosene.

Sa kabila ng mga sunod na rollback, umaasa ang mga motorista na magtuloy-tuloy pa ang pagbaba ng presyo ng petrolyo para mabawasan ang gastusin sa pang araw-araw. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments