
Inirekomenda ni Senator Kiko Pangilinan sa mga kapwa mambabatas sa Senado at Kamara na lumikha ng panel of observers o grupo na papayagang mag-obserba sa mga deliberasyon ng bicameral conference committee sa 2027 national budget.
Iminungkahi ni Pangilinan ang pagbuo ng panel na binubuo ng mga kinatawan mula sa private citizens organizations, pribadong sektor, Commission on Audit, at Office of the Ombudsman, habang inaanyayahan naman bilang observer ang Supreme Court.
Tiwala ang senador na magiging malaking tulong ang regular na pagsasama sa budget process ng ganitong grupong tagapagbantay upang matiyak na wasto ang paglalaan at paggamit sa pera ng taumbayan.
Giit ni Pangilinan, may pananagutan ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa bawat alokasyon bago ito maging ganap na batas at dapat bukas sa taumbayan ang proseso ng pagtatalaga kung saan mapupunta ang perang pinagpaguran.
Hiniling ng mambabatas na gawing regular na bahagi ng budget process ang sinimulan ni Senate President Sherwin Gatchalian noong nakaraang taon at ipinagpatuloy ni Senator JV Ejercito, o ang pagtanggap sa mga citizen watchdog bilang observers at bisitang Senate contingent.
Bago ito, naghain sina Senator Ping Lacson at Ejercito ng panukalang batas na naglalayong gawing permanente ang partisipasyon ng mga civil society organization sa taunang pagtalakay ng national budget.










