Batay sa paunang imbestigasyon ng Bani Municipal Police Station, nangyari ang insidente dakong alas-7:15 ng gabi sa isang madilim na kalsada o eskinita, may tinatayang 30 hanggang 50 metro ang layo mula sa tirahan ng biktima.
Ayon sa ulat, ilang beses umanong pinaputukan ng hindi pa nakikilalang suspek ang biktima. Sa kabila ng mga tama ng bala, nagawa pa nitong itulak ang kaniyang motorsiklo hanggang sa kanilang tahanan upang ipaalam sa kaniyang kinakasama na siya ay tinambangan at binaril.
Agad namang humingi ng tulong ang kaniyang kinakasama matapos makitang duguan ang biktima.
Dinala pa ang biktima sa Western Pangasinan District Hospital sa Alaminos City para sa agarang pagpapagamot.
Sa kumpirmasyon ng Bani PNP sa IFM Dagupan, kalauna’y binawian din umano ng buhay ang biktima.
Batay naman sa pahayag ng kinakasama ng biktima, dumalo umano ito sa isang inuman sa bahay ng kakilala dakong alas-4 hanggang alas-5 ng hapon bago naganap ang pamamaril.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Bani Police upang matukoy, matunton at maaresto ang mga responsable sa krimen.
Patuloy pang iniimbestigahan at inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa likod ng insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








