Wednesday, November 25, 2026

₱2.7 MILYONG HALAGA NG ILEGAL NA SIGARILYO, NASAMSAM NG PANGASINAN PNP SA LINGAYEN

Nasamsam ng Pangasinan Police Provincial Office ang tinatayang dalawang milyon at pitong daang libong pisong halaga ng mga ilegal na sigarilyo sa bayan ng Lingayen, Pangasinan, noong Nobyembre 23, 2026, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na kalakalan.

Nag-ugat ang pagkakasamsam sa isinagawang operasyon ng Lingayen Municipal Police Station noong Nobyembre 20, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang indibidwal.

Matapos ang pag-aresto, nagbigay umano ang ito ng impormasyon hinggil sa isang paparating na kargamento ng ilegal na sigarilyo na nakatakdang kunin sa isang cargo hub.

Sa pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng nasabing pasilidad, kinumpirma ng mga pulis na dumating na ang kargamento at pansamantalang nakaimbak sa bodega.

Sa isinagawang inspeksyon, nakumpiska ang 22 kahon ng Black Hawk Black Menthol American Blend at limang kahon ng Bosqu cigarettes, na may kabuuang 1,350 ream at tinatayang halagang 2.7 milyong piso.

Isinagawa ang imbentaryo sa presensya ng isang opisyal ng barangay at kinatawan ng cargo hub upang matiyak ang wastong dokumentasyon at pagiging transparent ng operasyon.

Hinikayat din ng kapulisan ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang transaksyon o aktibidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments