Naranasan ng ilang mga estudyante sa isang paaralan sa Sta. Barbara, Pangasinan ang epekto ng naranasang matinding init ng panahon nitong ika-6 ng Marso, na matatandaang pumalo sa 45°C ang naitalang heat index sa lalawigan.
Sa panayam ng IFM NEWS Dagupan kay Daniel Maramba NHS OIC Principal and SHS Assistant Principal II Domingo Umangay, ilang estudyante ang itinakbo sa school clinic dahil sa naramdamang pagkahilo, paninikip ng dibdib at pagkahimatay.
May ilan pa raw umanong kinakailangang itakbo pa sa Rural Health Unit upang maagap itong matugunan sa nararapat na medikal na atensyon.
Inihayag naman ni Umangay na ngayon ay nasa mabuti nang kalagayan ang mga mag-aaral na ito.
Kaugnay nito, nagkaroon ng pulong sa lahat ng mga kaguruan ng paaralan upang ipabatid ang mga hakbangin na makatutulong upang maibsan ang init na nararamdaman.
Samantala, nauna nang sinuspinde ng lokal na pamahalaan ng Sta. Barbara ang face-to-face classes pagsapit ng hapon at ipinatupad ang blended learning para ipagpatuloy ang mga aralin. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨