ILANG PAMILYA, MAAGANG DUMALAW SA MGA YUMAO SA ROMAN CATHOLIC CEMETERY BILANG PAGHAHANDA SA UNDAS

Maaga nang dumadalaw ang ilang pamilya sa Roman Catholic Cemetery upang linisin at ayusin ang mga nitso ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay bilang paghahanda sa paggunita ng Undas sa Nobyembre uno.

Bukod sa paglilinis ng mga nitso, sinasamantala rin ng ilang pamilya ang pagkakataong makadalaw habang kumpleto pa ang kanilang mga kaanak bago sumapit ang Undas.

Kabilang dito ang pamilya ni Anghelita Fernandez, na maaga nang dumalaw sa nitso ng kaniyang asawa at anak para sa kanilang Babang Luksa.

Ayon kay Fernandez, pinili nilang dumalaw nang mas maaga dahil ngayon lamang sila nagkaroon ng pagkakataong magkakasama bilang isang pamilya.

Aniya, galing pa sa Maynila ang kaniyang mga anak at nakatakda nang bumalik bago sumapit ang Undas.

Dagdag pa ni Fernandez, babalik pa rin sila sa sementeryo sa November 1 ngunit ang kaniyang mga apo na lamang ang makakasama niya sa muling pagdalaw.

Kaya naman, sinamantala na nila ang pagkakataong makapagbigay-pugay sa kanilang mga yumao habang kumpleto pa ang buong pamilya.

Para sa kanila, ang Undas ay hindi lamang panahon ng pag-alala sa mga namayapang mahal sa buhay, kundi isa ring pagkakataon upang sariwain ang mga alaala at ipagpatuloy ang pagmamahal sa mga taong mananatiling buhay sa kanilang puso at isipan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments