Friday, October 16, 2026

Mga podcast host na nambastos kay Joshua Aquino tungkol sa kaniyang kapansanan, ipapatawag ng NBI

Inatasan na ni NBI Director Melvin Matibag ang Cybercrime Division (CCD) at Special Action Unit (SAU) na imbestigahan at sampahan ng kaukulang kaso ang mga host ng podcast na ‘Machong Chismisan’ kaugnay ng pambabastos sa anak ni Kris Aquino na si Joshua Aquino na nasa autism spectrum.

Nanindigan si Matibag na legal at moral nitong tungkulin na panagutin ang mga nangutya kay Josh at ipagtanggol ang dignidad ng mga taong may mga special needs.

Nag-ugat ang kontrobersiya sa episode ng naturang podcast show noong October 5 na naglalaman ng mga mapanakit na komento laban sa binata, dahilan upang umani ito ng matinding batikos mula sa publiko.

Tinanggal na ng ‘Machong Chismisan’ ang episode at humingi ng tawad sa pamilya Aquino at sa PWD community, gayunpaman tinapos na rin ng The Pod Network ang kanilang kontrata sa grupo.

Posibleng harapin ng mga host ang parusa sa ilalim ng RA 9442 o Magna Carta for Persons with Disabilities batay sa lalabas na imbestigasyon ng NBI.

Facebook Comments