
Nakalikha ang Globe Telecom ng P1.2 bilyong halaga mula sa paggamit nito ng artificial intelligence, kabilang ang dagdag na kita, natipid sa gastos, at mas mahusay na produktibidad.
Mas binibigyang-pansin ngayon ng kompanya ang aktuwal na pakinabang ng teknolohiya sa nasabing negosyo.
Batay sa paunang pagsusuri ng Globe, umabot sa 2.8 beses ng ipinuhunan nito sa AI ang kabuuang balik mula sa mga proyektong gumagamit ng generative AI at AI at machine learning hanggang Agosto 2026.
Pinakamalaking bahagi ng pakinabang ay nagmula sa paggamit ng AI sa mga gawaing pangkomersiyo at serbisyo sa customer na nakalikha ng mahigit P825 milyon na karagdagang kita. Kabilang dito ang paggamit ng teknolohiya upang maiangkop sa pangangailangan ng mga customer ang mga alok at serbisyo sa Globe Rewards, roaming, lending, at postpaid.
Bukod dito, nakatipid ang kompanya ng P368 milyon sa pamamagitan ng paggamit ng AI sa finance, customer engagement, marketing technology, at order management.
Ayon sa Globe, isinama na nito ang teknolohiya sa mga kasalukuyang proseso upang matugunan ang mga hamon sa operasyon at mapahusay ang trabaho.










