Monday, November 9, 2026

Ilang senator-judges, binusisi pa ang mga naging biyahe ng testigo ng defense team

Nahalukay pa sa impeachment trial ang mga biyahe ni Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin partikular sa China.

Si Adalin ang testigo ngayong araw ng defense team sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at siyang nagprisinta ng mga dokumento ukol sa 379 square meters na property ni Atty. Manases Carpio at nagkumpirma na pareho lang ang Barangay Matina Crossing at ang Barangay 74-A kung saan matatagpuan ang pag-aari.

Sa interjection ni Senator-judge Raffy Tulfo, kinumpirma ni Adalin na mayroon siyang biyahe sa China noong January 25, 2026.

Tinukoy naman ni Tulfo na mayroon pang naunang biyahe sa China si Adalin noong November 12, 2018 kung saan dalawang araw ito sa naturang bansa at may mga biyahe pa ito sa Thailand at sa Australia.

Nagtataka si Tulfo sa mga biyahe ni Adalin dahil ₱120,000 ang sahod nito at may kasama pang kamag-anak kapag bumyahe.

Samantala, sa pagtatanong naman ni Senator-judge Risa Hontiveros ay sinabi ni Adalin na personal ang mga biyahe niya sa ibang mga bansa.

Inamin din ng City Assessor na kasama niya sa biyahe ngayong taon sa China ang ilang mga department heads tulad ng City Engineer at City Treasurer ng lungsod at group travel sila.

Hindi naman kumbinsido si Hontiveros sa katwiran ni Adalin na hindi niya maalala ang mga lugar na binisita niya sa China noong Enero.

Facebook Comments