
Pinalagan ng isang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pahayag ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng isyu sa inaangking teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay matapos sabihin ni VP Sara na dapat bumuo ng isang team ng mga diplomat upang talakayin ang isyu at hindi na umabot sa pang-aaway.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, dapat itigil na ng pangalawang pangulo ang pag-iisip na tayo ang troublemaker o nagsisimula ng gulo.
Ipinaalala ni Tarriela na ang China ang gumagamit ng water cannon para bombahin ng tubig ang mga barko ng Pilipinas at nagsasagawa pa ng mga delikadong pagmamaniobra.
Pinoprotektahan lamang din aniya ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga mangingisdang nasa loob ng ating teritoryo.
Kaugnay naman sa suhestiyong magpadala ng diplomat, sinabi ni Tarriela na matagal na itong ginagawa ng Department of Foreign Affairs (DFA), subalit hindi naman isinasabuhay ng kabilang panig ang anumang napag-uusapan.
Hanggang ngayon din aniya ay hindi kinikilala ng China ang 2016 Arbitral Award, kaya’t hindi raw dapat malito si VP Sara sa nangyayaring gulo sa West Philippine Sea.










