
Nanawagan si Akbayan Representative Perci Cendaña sa Department of Health (DOH) at iba pang maaapektuhang ahensya na magsagawa ng impact assessment kaugnay sa paghinto ng United States Agency for International Development (USAID) Foreign Funding.
Sa inihaing House Resolution No. 2244 ay iginiit ni Cendaña na kailangang mapag-aralang mabuti kung paano sasaluhin ang mga programa na pinaglalaanan ng USAID support.
Binigyang-diin ni Cendaña na buhay ang nakasalalay sa pagkansela ng Amerika sa foreign aid contracts sa atin kaya hindi ito pwedeng dedmahin.
Pangunahing tinukoy ni Cendaña na mahigit kalahati ng mga people living with HIV (PLHIV) sa Pilipinas ang umaasa sa USAID para sa kanilang gamutan na maaaring humantong sa healthcare emergency kung wala agad aksyon ang pamahalaan.
Binanggit din ni Cendaña na noong 2024 ay nakapagbigay ang USAID ng $6.925 million para sa tuberculosis at $6.68 million para HIV at AIDS program sa ating bansa.