IMPORMASYON SA WORKERS COMPENSATION BENEFITS, IBINAHAGI SA MGA KASAMBAHAY AT INFORMAL WORKERS SA PANGASINAN

Tinalakay ng Employees’ Compensation Commission – Regional Extension Unit I o ECC-REU I ang mga benepisyong maaaring makuha ng mga manggagawa sakaling makaranas ng aksidente, sakit, o iba pang insidenteng may kaugnayan sa trabaho sa isinagawang Labor Day activity sa Urdaneta City, Pangasinan.

Ginawa ang aktibidad sa CB Mall sa pangunguna ng Department of Labor and Employment o DOLE Rosales Field Office kung saan dumalo ang mga kasambahay at informal workers mula sa iba’t ibang komunidad at organisasyon.

Kabilang sa tinalakay ang Employees’ Compensation Program o ECP na nagbibigay ng tulong-pinansyal at iba pang benepisyo sa mga kwalipikadong manggagawa na makararanas ng work-related sickness, injury, disability, o pagkamatay.

Ipinaliwanag din sa mga dumalo ang proseso at mga requirements sa pag-avail ng naturang programa.

Ayon sa ECC, layunin ng aktibidad na mapalawak ang kaalaman ng mga manggagawa, lalo na sa informal sector, hinggil sa kanilang labor rights at mga government program na may kaugnayan sa social protection at workers’ welfare.

Isa ang informal sector sa mga grupong madalas na may limitadong access sa labor benefits at social security programs kaya patuloy ang information campaign ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa sektor na ito. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments