Isa patay, lima ang sugatan sa holdapan sa jeep sa Commonwealth Avenue, QC

Posibleng tumama ang ulo sa semento ang dahilan ng kamatayan ng 29-anyos na babae matapos na maholdap ang sinasakyan nitong jeep sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City kagabi.

Nagtalunan sa jeep dahil sa takot at pagkataranta ang mga pasahero kasama na ang babaeng biktima.

Batay sa pagsisiyasat ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), sumakay sa Don Fabian ang nag-iisang suspek na armado ng kutsilyo.


Matapos magdeklara ng holdap, isa-isang tumalon ng jeep ang mga pasahero kasama ang babaeng biktima at konduktor na misis ng driver na si Edgardo Cabiente.

Ayon kay Cabiente, galing sila ng Lagro at patungong Cubao nang mangyari ang insidente dakong 9:30 kagabi.

Nabatid na nakakulong na ngayon sa Kampo Karingal ang suspek na bugbog sarado matapos na kuyugin ng galit na galit na mga motorista at taumbayan.

Mabuti na lamang at agad ding nakapagresponde ang mga tauhan ng QCPD at hindi rin napatay ng taumbayan ang suspek na aminado sa ginawang panghoholdap.

Sa rekord ng QCPD, dati na ring nakulong ang 54-anyos na suspek dahil sa kasong pagnanakaw.

Facebook Comments