Laganap pa rin na Online Sexual Abuse and Exploitation of Children, pinasisilip sa Senado

Paiimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros ang laganap pa rin na kaso ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) sa bansa.

Ito ay kasunod ng pagkakadakip ng mga awtoridad sa isang ina sa Angeles City sa Pampanga kung saan natuklasan na nailalako niya sa mga dayuhan ang kanyang mga anak sa online at ang pinakabatang biktima ay nasa sampung buwang gulang.

Ayon kay Hontiveros, nakakagimbal ang balitang ito at bilang isang ina ay masakit sa puso na may musmos na inabuso kapalit ng pera.


Nagpahayag din ng pagkadismaya ang senadora dahil bilang may-akda ng Anti-OSAEC Law ay mistulang hindi epektibo ang implementasyon ng batas para protektahan ang mga kabataan mula sa mga karahasan.

Umapela rin si Hontiveros sa mga social media companies na paigtingin ang kanilang mga regulasyon upang matigil ang mga ganitong krimen at papanagutin ang mga internet service providers, mga e-wallet o mga remittance center na mapapatunayang naging bahagi ng paglaganap ng OSAEC.

Kailangan din palakasin ang whole-of-nation approach laban sa mga ganitong kumplikadong isyu sabay giit na ang mga anak ay hindi dapat ipinagbibili.

Facebook Comments