Impeachment trial laban kay VP Sara, hindi dapat madaliin —Sen. Marcos

Iginiit ni Senator Imee Marcos na hindi dapat madaliin ng Senado ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ito’y sa kabila ng ipinadalang liham ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kay Senate President Chiz Escudero na aksyunan na agad ang “articles of impeachment” laban kay Duterte.

Ayon kay Marcos, hindi naman masasabing “urgent” ang impeachment case dahil dalawang taon na niyang naririnig ang tungkol dito at inabot pa ng dalawang buwan bago natapos ng Kamara ang pagtalakay sa impeachment complaint na dali-dali namang dinala sa Senado sa huling araw pa ng sesyon.


Sinabi ng mambabatas na napag-usapan na nilang mga senador na pagkatapos na lamang ng State of the Nation Address (SONA) o sa unang araw ng sesyon ng 20th Congress sa Hulyo aksyunan ang tungkol sa impeachment case ni Duterte.

Iwas naman si Sen. Marcos na makipag-debate pa kina Pimentel at Escudero tungkol sa liham lalo’t hindi niya makita ang katwiran para madaliin silang mga senador na umpisahan agad ang impeachment trial kay Duterte.

Naniniwala rin ang mambabatas na hindi makakatulong kung ngayon idaraos ang impeachment trial lalo’t abala ang marami sa pangangampanya.

Facebook Comments