
Naghain ng petition for mandamus sa Supreme Court si dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon kasama ang kinatawan ng P3PWD laban kay House Speaker Martin Romualdez.
Ito’y may kaugnayan sa isyu ng naturang party-list na hindi pa rin nakakaupo sa Kongreso.
Hiniling ng P3PWD sa Korte Suprema na maglabas ng utos upang obligahin si Speaker Romualdez na makapagsumpa si Maria Camille Ilagan bilang pangunahin nilang nomimado.
Giit ng P3PWD, unang naiproklama ng Comelec si Ilagan bilang kanilang kinatawan pero tila hindi ito kinikilala ni Romualdez.
Bagama’t una nang hindi pinayagan si Guanzon na pumalit o mag-substitute, sinabi nito na dapat sundin ng Kamara ang naunang desisyon ng Korte Suprema na bigyan pwesto ang kanilang partido.
Umaapela rin sila kay Romualdez na paupuin sana ang P3PWD kahit pa sa maikling panahon lalo na’t malapit na ang susunod na halalan.