
Sinusuportahan ni Senate President Chiz Escudero ang idedeklara bukas na “National Food Security Emergency” ng Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Escudero, mahalagang magawa ang lahat ng paraan upang maibaba ang presyo ng bigas sa pangkalahatan.
Ipinunto ng lider ng Senado na ang mataas na presyo ng bigas ang pangunahing rason sa pagtaas ng inflation.
Sinabi ni Escudero na kung sakaling mapatunayan namang tama ang pangamba ng Federation of Free Farmers (FFF) sa idedeklarang National Food Security Emergency, nakatitiyak naman siyang agad na aaksyunan ni Agriculture Sec. Francisco Tiu-Laurel para maiwasto ang anumang hindi magandang epekto na posibleng maidulot nito.
Naunang nanawagan ang nasabing grupo na masusing pag-aralan muna ang pagdedeklara ng National Food Security Emergency dahil maaaring makaapekto sa kita ng mga local growers ang pagbebenta ng mga stock ng bigas ng National Food Authority (NFA) na mas mababa ang halaga kumpara sa presyuhan sa merkado.