Wednesday, May 20, 2026

PBBM, umaasang maramdaman na ngayong tag-ulan ang epekto ng flood control projects sa Metro Manila

Umaasa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mararamdaman na ngayong tag-ulan ang epekto ng mga ginagawang flood control projects ng gobyerno sa Metro Manila.

Kasunod ito ng inspeksyon ng pangulo sa drainage improvement project sa Araneta Avenue sa Quezon City, na isa sa mga lugar na madalas bahain kahit kaunting ulan lamang.

Ayon kay Pangulong Marcos, bahagi ng malawakang “Oplan Kontra Baha” ang pagpapalit ng mga lumang drainage pipes, desiltation o pagpapalalim ng mga daluyan ng tubig, at pagtatayo ng mga pumping station para mas mabilis mapalabas ang baha.

Dagdag pa ng pangulo, hindi lamang Metro Manila ang sakop ng flood mitigation projects ng pamahalaan, ngunit inuuna ang Kamaynilaan dahil sa dami ng residente at mga apektado tuwing may malakas na ulan.

Ipinatutupad aniya ng pamahalaan ang mga rekomendasyon ng Project NOAH upang matukoy at maresolba ang mga lugar na palaging binabaha.

Inamin ni Pangulng Marcos na matagal at malawakang trabaho ang flood control, pero iginiit nitong nagsimula na ang seryosong hakbang ng gobyerno upang mabawasan ang epekto ng pagbaha sa mga komunidad.

Facebook Comments