
Ipinakita lamang ng usapin sa online voting sa Senado kung sinu-sino sa mga senador ang para sa bayan at kung sino ang inuuna ang pansariling interes.
Ito ang pahayag ng Malacañang matapos mag-walkout ang minority bloc bilang protesta sa panukalang payagang bumoto online sa mga sesyon ng Senado ang mga senador.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, maayos naman ang umiiral na rules sa Senado at may mga nais lamang magbago nito.
Binanggit din ni Castro ang naging pahayag ni Senador Alan Peter Cayetano na may “justifiable reason” noon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa hindi pagpasok sa Senado dahil sa pangambang maaresto.
Dahil dito, sinabi ni Castro na pagkakataon ito para makita ng publiko kung ang mga lider ay tunay na nagsisilbi sa bayan o sa sarili lamang.
Kasabay nito, naniniwala rin si Castro na maaaring magamit ang online voting upang makaiwas sa awtoridad ang mga senador na may kinahaharap na kaso.
Nilinaw naman ng Malacañang na hindi nakikialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa usapin dahil sa separation of powers sa pagitan ng ehekutibo at lehislatura.










